“TULOY ANG MGA LONGSHOTS SA SANTA ANA”

PRC · Tags:

FROM ACROSS THE BETTING WINDOW
By BUTCH MANIEGO
For Bandera 06-01-2008

Miyerkules nang umaga ay umaksiyon agad ang Philippine Racing Commission upang ilipat ang pagdaraos ng karera mula sa San Lazaro Leisure Park, kung saan dapat ay nakatakdang gawin ito ngayong linggo, tungo naman sa Santa Ana Park dahil walang maibigay na katiyakan kung kailan maaayos ng SLLP ang kanilang naturang “gusot.”

Pero iyun ding araw na iyon, nagbigay ng press statement ang pamunuan ng SLLP na naayos na nila ang problema sa kanilang servers at totalizator system na ayon kay Atty. Boy Reyno, presidente ng klub, ay masyado raw mataas kaya naghanap at nakakuha na sila ng ipapalit rito. Ayon pa sa kanya, ano ba naman iyung i-sakripisyo nila ang isang linggo para lamang maayos na ang problema?

Mabuti naman sa ganoon, dahil may mga may-ari talagang ayaw gumasta para sa trailer at masaya na silang itinatakbo ang kanilang mga kabayo kung saan man ito naka-kuwadra.

At naagapan naman ng Philracom at ng Santa Ana Park upang hindi na maragdagan pa ang mawawala sa kaban ng pamahalaan kapag nahihinto ang karera, na malaki rin naman. Sa katunayan, sobrang handa ang PRCI na dagsa ang nag-deklara para sa dalawang araw lamang na takbuhan – 96 para sa walong karera noong Huwebes at ang nakakalulang 123 sa siyam na karera noong Biyernes.

Kahit noong araw ay bihira makakita ng programa na halos puro full gate ang bawa’t karera, although may mga na-scratch din naman. May mga karerista na mahilig sa ganitong latag, at naghahanap sila ng mga dehado lalo na sa mga single-race exotics. Ang iba naman ay ayaw ng ganito, dahil masyado na silang “sumusugal” sa dami ng maaring makasira ng kanilang mga diskarte.

Kanya-kanyang trip lang naman iyan.
At nagtuloy ang trend mula nang huling idinaos ang karera sa Santa Ana Park dahil kahit may mga lutang na nagsisipagwagi, may mga tinatawag pa ring “mumu” na mga nakakalusot na sobrang dehado, na sobrang walang nag-akala na mananalo ang mga ito at giba lahat ng mga nagpaparating.

Noong Huwebes, nag-carryover ang Pick Six at nag one winner lamang sa Winner Take All sanhi nang malaki ng pagkakapanalo ng kabayong si Hidalgo, na matagal nanggaling sa bakasyon. Ayon sa nakabatid (si kasamang kites182 ng PHF), nagbenta lamang ito ng P8,212 sa DD at P1,965 sa XD si Hidalgo (na pag-aari ni Rudy Sanguyo) para sa Race 3.

Siyempre, may malaking tulong din sa pagpapahirap sa karerista noong Huwebes ang mga longshot na sina Summer Gear sa Race 4 at Tippietylertoo sa Race 7 pero si Hidalgo ang nagpa-umpisa ng mga “milagro.”

Pero kinabukasan, may tumalo pa kay Hidalgo at ito ay si Classy Pages sa Race 6, na paratingan ng Pick Six na may carryover. Bumenta lamang ang kabayo ni Mr. Ralph Javier ng P2,506 sa DD at P460 sa XD, at pang-13 sa 14 na kalahok sa bentahan.

Kaya ang mga mapalad na nagkaladkad sa Race 6 ay nagantimpalaan ng mahigit P189,567 na dibidendo sa Pick-6 samantalang ang WTA naman nagbigay pa ng P432,801 kahit na may apat na lyamadong tipong panningel na mga nagsipanalo (Bahrain, Celestial, Queen Mamba at Iron Tower).

Minsan hanapan lang talaga ng isang “mumu” ang naghihiwalay sa ating mananaya mula sa isang napakagandang tama.

Comments

Leave a comment!