“ALL RACES WILL START ON TIME PALA HA?”
“ALL RACES WILL START ON TIME PALA HA?”
KUWENTONG MANANAYA
By BUTCH MANIEGO
For Tumbok 07-01-2008
Maraming karerista ang nakabatid na grabe na naman ang delay ng mga karera sa San Lazaro Leisure Park. Simula pa lamang nitong linggong ito nabatid ko na that on average, late ng mga 20 minutes ang paglarga ng karera at noong Sabado, umabot na sa mahigit na kalahating oras na behind ang mga post time.
Ano ba ang nangyayari talaga?
Mga two years ago, noong naging parang epidemic na ang late starting times sa dalawang karerahan nagpalabas ng memorandum ang Philracom na babantayan nila ng maigi na masusunod dapat sa naka-publish na start times ang mga klub. Pero tulad ng maraming bagay sa Pilipinas, mukhang “ningas cogon” na naman ang nangyari sa panukalang ito.
O talaga bang mas importante na ma-maximize ang kita para sa kaban ng pamahalaan at pabayaan na lang kung ano ang isipin ng mananaya?
Ang dahilan daw kung bakit may delay sa SLLP ay bawas pa rin ang dami ng makina na puwedeng tayaan sa mga OTB. Ayon sa mga ulat sa ilang kasapi ng PHF, maraming lugar na dati ay dalawa ang makina ay isa pa lamang ang gumagana at kung tama ang suspetsa ko, matagal pa (if ever) kung dadagdagan ang mga ito dahil mukhang hindi naman masusulit ang investment sa mga ito.
Unti-unti rin na inaatras ang pagpapabukas muli ng mga OTB na mahihina na sa aking palagay ay tama rin naman kasi may mga ilang lugar na saturated na talaga ng OTB kaya humihina ang kinikita nilang lahat. Isa lamang itong paraan para mapabuti ang serbisyo at pamamalakad sa mga ito.
Pero malaki talaga ang impact ng delay kasi may mga ilan mananaya na dahil sa sobrang inip ay minamabuti na lamang na huwag ng mangarera. Iba nga naman kapag sanay ka na sa pace na kung saan sa takdang oras ay lalaban na ang iyong pera, tapos mauuwi ka pa rin sa pag-aabang.
Sana ay huwag naman sumunod din ang Santa Ana Park sa ganitong pamamalakad kasi hindi ito maganda sa pagnanais ng Pilipinas na magkaroon ng world-class standard na uri ng racing. O di kaya ay wala na ito sa mga balak ng Philracom dahil masyadong nakabit ang mga katagang ito sa dating chairman na si Gen. Fianza na ginawa itong battlecry noong kanyang panahon sa ahensiya?
Samantala, nalipat na ang mga na-postpone na stakes races sa kanilang mga takdang petsa. Ang pinaka-minor sa mga ito, ang Philracom Pearl II Stakes race ay gaganapin na sa Biyernes, July 4 samantalang ang second leg ng Triple Crown stakes races at ang kasamang Hopeful Stakes race nito ay gaganapin sa Linggo, July 6.
Ang nakatakdang stakes race sa linggong ito na second leg ng 2YO (Two Year Old) Stakes Race series na dapat ay sa Linggo ay sa Sabado na gagawin, July 5. Maganda ang ginawang adjustment ng Philracom at Santa Ana Park na i-spread out ang mga karerang may magagandang premyo sa ilang araw para nga naman mas masiyahan ang bayang karerista.
Kaya’t isang tanong na lamang bago tayo maghiwalay klasmeyts – kailan ba tatakbo si Ibarra, na ngayon ay nasa Class 4 – Division 3A nakagrupo? Baka managasa at bumawi sa nawalang kita sa mga susunod na buwan si kabayo.


Comments
Leave a comment!