“INDELIBLE INK TIYAK…NA LYAMADO”

PRC · Tags:

“INDELIBLE INK TIYAK…NA LYAMADO”
FROM ACROSS THE BETTING WINDOW
By BUTCH MANIEGO
For Bandera 06-22-2008

Tatlong malaking karera ang bibitawan sa Santa Ana Park ngayong hapon kung saan naglaan ang sponsoring Philippine Racing Commission ng kabuuang P4.5-M sa premyo. Siyempre ang malaking bahagi nito ay mapupunta sa may-ari ng magwawagi sa second leg ng 2008 Triple Crown Stakes Race na paglalabanan ng pitong kabayo sa distansyang 1,800 meters.

Kanino man kayo kakampi – kay first leg winner Indelible Ink o di kaya ay sa colt champion na si Don Enrico or ang longshot na muntik makadisgrasya sa first leg na si Shining Fame o kahit ang bagong sali na Champion of Show o first leg Hopeful winner Love Story, isang bagay ang tiyak – magandang laban ang masasaksihan ng bayang karerista.

Nandiyan pa din ang “rabbit” ni Indelible Ink na si Queen Elena (na ngayon ay hindi na ka-couple ni “Tinta”) at ngayon may kakampi na rin si Don Enrico na si Super Crezee. Pero sa higpit na bantayan ng dalawa, hindi kaya may makalusot na iba?

Pero sa tingin ko walang dahilan upang hindi ma-lyamado sa lahat si Indelible Ink na kasalukuyang pride and joy ng mighty Hermie Esguerra stable. Ngayong humaba pa ang distansya, inaasahang mas maganda ang ikikilos ng “de sunod” na sakay ni Jeff Zarate.

Pero siyempre, ang mga tagahanga naman ni Don Enrico ay sasabihin na ibinalik na sa dapat na hinete ang kanilang pambato (si John Alvin Guce) na pinalitan noong first leg ni Jonathan “Unoh” Hernandez na ngayon ay walang sakay sa second leg.

Samantala, si Shining Fame ay sasakyan pa rin ni Jesse Guce na mukhang tuluyan ng “na-out” sa stable ni Boss Hermie dahil lahat ng mga dati niyang sinasakyan ay napunta na kina Zarate, MF Daquis, LD Balboa at pati sina Unoh, Dhunoy at Pati. (By the way, si Dhunoy ang sasakay kay Love Story samantalang si Pati ay na kay Super Crezee).

Ang mystery horse sa labanan ay ang lightly-raced Niles entry na si Champion of Show, na maganda ang huling itinakbo kontra sa mga iba pang de kalibreng kalahok at binibigyan din ng maliit na pagkakataong maka-tsamba.

Sa Hopeful naman, bumaba na rito ang dating Triple Vrown entries na si Hieroglyphics at nagbalik din ang runner-up na si Luna Rossa at terserong Anonynmous. Andito rin sina Arithmetic at Bohemian Dave samantalang mga bagong pasok sa 1,800-meter event na may top prize na P600,000 sina Sauvignon, Capretiosa, Victorian Stone, Speed Almighty, Will of Destiny, Tabako, Prime Zone at Security Queen. Kay Luna Rossa, Will of Destiny at Sauvignon ako.

May bonus even pa sa tinaguriang Pearl II Stakes Race na isang open race para sa mga kabayong nasa gitna ng Class 4 at talagang hindi na uubra sa mga matataas na laban. Kaya mahirap palampasin ang pagkakataong manalo ng P300,000 para sa may-ari nina Pentagon, Sling Shot Effect, Showtime Lady, Spanish Drums, Blue Sheikh, Mes Monique at Yoshiwara. Blue Sheikh siguro ang lamang sa labanang ito.

Comments

Leave a comment!