“IBARRA MUKHANG HANDANG-HANDA NA”
“IBARRA MUKHANG HANDANG-HANDA NA”
FROM ACROSS THE BETTING WINDOW
By BUTCH MANIEGO
For Bandera 11-09-2008
Sa mga hindi naniniwalang siyento-porsiyento na si Ibarra sa kanyang pagbabalik mula sa isang career-threatening injury, ito lamang ang gusto niyang ipakita: 1:29.6 sa 1,450 meters. Iyan ang naitalang tiyempo ng kabayo ni Mayor Benhur Abalos sa kanyang “tune-up” race noong Huwebes ng gabi sa Santa Ana Park, sa pistang medyo malusak dahil sa ulan.
Bagama’t masasabing medyo magaan ang laban ng tinaguriang “super horse” dahil nasa mababang Class 4 – Division 3A lamang siya tumakbo, may husay din naman ng bahagya ang nakaharap niyang si Blue Arch, na galing sa panalo kina Batangas Baron at Terrible Friend. Bumandera ang de bokang panakbo at nagtala ng matuling 15’-24 sa first 650 meters.
Pero nakasunod pa rin si Ibarra at noong umarangkada ng 23 sa third quarter si Blue Arch, pumantay at lumampas pa si Ibarra kahit nakapigil pa ang kanyang hinete. Dumating pa ito ng 27 na maraming-marami pa para mabuo ang impresibong clocking.
Iyan ang pinakamagandang performance na naitala ni Ibarra sa kanyang three-year racing career sa distansiyang 1,450 meters. Malapit na iyan halos sa mga naitala niyang tyempo na 1:25.5 sa 1,400 meters at 1:32.5 sa 1,500 meters, pareho sa San Lazaro Leisure Park last year noong kanyang paghahanda para salakayin ang 2007 Triple Crown series.
Kaya’t walang duda na handa na muli ang anak ni Yonaguska mula kay Fire Down Under sa anumang pagsubok at ang una ay parating sa loob ng dalawang linggo sa Cojuangco Cup na paglalabanan sa nakakalagot-hininga na 2,000 meters, isang rota na hindi pa natatalakay ni Ibarra sa kanyang maikli nguni’t perfect na nine-race career.
Magiging ika-apat na takbo pa rin lamang sa SAP ni Ibarra iyon kapag nagkataon pero hindi naman marahil ito magiging factor dahil mukhang hindi naman ito namimili ng tatakbuhang pista. Bukod pa doon ay gamay talaga ng hineteng si Kelvin Abobo ang “super horse.”
Kung matuloy nga ang super showdown sa P3-M event na handog ng Philracom bilang kampeonato ng mga local at imported na kabayo, ngayon lamang makakaharap ni Ibarra ang mga dating may hawak ng koronang “super horse” sa mga locals tulad nina Empire King at Real Spicy.
Ang isa pang kabayong nagbatak noong Huwebes na ay si Don Enrico, na nakatutok sa MBC Colt Mile at umikot lamang ito laban sa mahuhusay na mga imports tulad ni Stop Talking. Ang tyempo sa milya ni Don Enrico ay 1:40.6, na mabagal na medyo mabagal pa ng one and a half-seconds sa kanyang mga ginagawang splits mga four months pero tandaan din naman natin na apat na buwan nagpahinga ang anak ni Wind Blown at pag-aari ni Ms. Lorraine Uy Wi.
Ngayon, tatakbo naman ang kanyang karibal na si Shining Fame, na nagsabit ng talo kay Don Enrico noong Hunyo. Makaganti kaya si kabayo sa kanyang mainit na katunggali? Malapit na ang day of reckoning!


Comments
Leave a comment!